JEEP
Ang sakit sa ulo ng pila sa jeep pa-Gate 3 kanina sa Market Market. Iba ang sinasabi ng mga konduktor sa sinasabi ng mga taong nakapila. Kaya kahit ‘di ko alam ang patutunguhan ng pinipilahan ko, nag-stay nalang ako.
Mga alas-sais ‘y medya na non, medyo dumidilim na at medyo lumalakas na ang hangin nung sumakay ako sa pinakadulong upuan ng jeep. Napatingin ako sa tapat ko at napaisip ng “mga typical happy couple na naglalambingan sa jeep, sheesh.” Napatingin na rin ako sa ibang nakasakay: May mga magkakaibigan, pamilya, matanda at bata.
Napatigil ang aking pag-pi-people watch dahil napukaw ang  aking atensyon ng mag-syota. Bigla silang kumanta. At hindi lang iyon,  kumanta sila ng nagbblend pa ang mga boses na para bang mga  contestant sa duet singing contest. Paiba-iba ang kinakanta nila.  Mala-medley. Maya-maya, sumabay sa pagkanta yung katabing babae nung  babaeng katabi ko (Teka, ano? haha.). Unti-unti,  napapangiti na ako. At hindi nagtapos dito yun, pati yung batang  kalong-kalong ng nanay niya, nakikanta na rin. Sa puntong iyon, sobrang  natutuwa na ako at umabot sa puntong gusto ko ng makaupo sa harap ng computer  para i-submit sa Tumblr ang nangyari. Sino ba  naman ang hindi matutuwa kung nakaupo ka sa lugar na mas maganda pa sa front  row seats? 
Sa iksi ng byahe mula Market Market patungong McKinley Hill, napasaya nila ako. Ang mga Pinoy nga naman, hindi talaga nawawala ang kakayanan na pagaanin ang loob ng kapwa, kahit pa hindi nila sinasadya. Maaaring yon o kaya nama’y pinlano nilang gawin ‘yun bago pa man makasakay sa jeep para pasayahin ako. Teka, hindi ko pa ata nasasabi, kamamatay lang kasi ng lolo ko.
(Note: Hindi naibigay ni manong driver yung Dos kong sukli.)
Submitted by: http://jenn4u2luv.tumblr.com
No comments:
Post a Comment